Mga paghahanda ng gobyerno patungkol sa pinangangambahang krisis sa tubig at kakapusan ng suplay ng bigas, planong paimbestigahan ng Senado

Ipapasilip ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Senado ang mga paghahanda ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno kaugnay sa pinangangambahang krisis sa tubig bunsod ng nagbabadyang El Niño o matinding tag-tuyot.

Ayon kay Pimentel, kung mananatiling tahimik tungkol sa problema ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno ay mapipilitan siyang maghain ng resolusyon para magsagawa ng pagdinig upang alamin ang kanilang mga plano kung papaano maiiwasan ang matinding impact ng El Niño sa suplay ng tubig at pagkain.

Sinabi ng senador na mayroon tayong mga specialist agencies sa tubig tulad ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at dapat ngayon pa lang ay may naririnig na tayong mga hakbang para hindi magkulang sa suplay ng tubig.


Aniya, maging ang Department of Agriculture (DA) ay dapat naglalabas na rin ng mga aksyon sa mga dapat gawin kaugnay naman sa rice production sa gitna ng El Niño.

Pero puna ni Pimentel, kapansin-pansin ang pananahimik ng mga nabanggit na ahensya hanggang sa ngayon.

Babala ni Pimentel, kung patuloy na walang imik sa problemang ito ang mga ahensya ay pupwersahin sila ng Senado na humarap sa pagdinig at isumite sa mga mambabatas ang mga plano at mga paghahanda sa napakatinding tag-tuyot.

Facebook Comments