Mga panukalang umento sa sahod ng mga manggagawa, sisimulan nang talakayin sa Kamara

Kasado na ang gagawing pagtalakay ng House Committee on Labor and Employment sa mga panukala na para sa rationalization ng sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ayon kay Committee Chairman Rizal 4th District Fidel Nograles, nai-refer na sa Sub Committee on Labor Standards ang mga panukalang batas para sa umento sa sahod ng mga manggagawa.

Sabi ni Nograles, nasa pito ang mga panukalang batas para sa salary increase na nakahain sa Kamara sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.


Kabilang dito ang panukalang ₱750 na national minimum wage na inihain nina Congressmen Ron Salo at Jose Ma. Zubiri Jr.

Gayundin ang pagpapatupad ng adjustments sa minimum wage na inihain nina Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas, Tingog Party-list Representative Yedda Romualdez at iba pa

₱150 daily across-the-board increase sa salary rates naman ang isinusulong ni Congressman Jolo Revilla.

Iginiit naman ni Congresswoman France Castro ng Makabayan bloc ang mahigit isanlibong piso na pagtaas sa sahod ng mga manggagawa sa buong bansa o national minimum wage.

Diin ni Nograles, kailangang aksiyunan na ang panawagang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa kaya pipilitin ng Kongreso na mapagtibay ang isang unified bill na babalanse sa interes ng mga manggagawa at employers.

Facebook Comments