BABAE, PINATAY ANG SARILING ASAWA SA CAGAYAN

Mahaharap sa kasong parricide ang isang maybahay matapos umano niyang patayin ang kanyang asawa kamakailan sa Sitio Suong, Balatubat, Calayan Island sa Cagayan.

Ang suspek ay kinilala na si alyas Inez, 47-taong gulang habang ang biktima naman ay ang asawa nito na si alyas Abel.

Ayon sa report ng PNP Calayan, nakatanggap umano sila ng report kaugnay sa insidente na agad naman nilang nirespondehan bandang alas-10:00 ng gabi nitong Disyembre 8, 2022.

Pagkarating sa lugar na pinangyarihan, tumambad umano sa mga awtoridad ang nakadapa at wala nang buhay na katawan ng biktima.

Natagpuan umano sa lugar ang isang kahoy na may bahid ng dugo na pinaniniwalaang ginamit ng suspek bilang panghampas sa ulo sa kanyang asawa.

Bago ang malagim na insidente, nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang mag-asawa na dahilan upang hampasin ng babae ng matigas na bagay sa ulo ang lalaki na nagresulta sa pagkamatay nito.

Napag-alamang nakainom umano ang babaeng suspek bago ang nangyaring pagtatalo sa pagitan ng asawa.

Facebook Comments