Mahigpit na binabantayan ng Department of Agriculture (DA) ang mga pasaway na hog raiser na patuloy na nagbebenta ng mga alagang baboy na apektado ng African swine fever (ASF).
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar – hangga’t hindi tumitigil ang mga ito na gawing negosyo ang mga apektadong baboy ay may posibilidad pa rin na umabot na rin ang ASF sa mga lugar na hindi pa nito natatamaan.
Iginiit din ng kalihim na responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan na ipaalam sa ahensya kung may mga ulat ng kaso ng ASF sa kanilang mga nasasakupan.
Sa ngayon, patuloy pa ring binabantayan ng ahensya na ang lalawigan ng Pampanga at Bulacan kung saan ilang bayan ang naapektuhan na ng ASF.
Mahigpit ding ipinapatupad ang quarantine measures sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Pero umaasa ang DA na hindi na kumalat pa ang ASF sa iba pang mga lalawigan.
Samantala, lumabas sa pag-aaral ng UN Food and Agriculture Organization, naitala ang pinakamababang produksyon ng karneng baboy sa buong mundo sa loob ng 20 taon dahil sa ASF.
Pangatlo kasi ang karneng baboy sa word wide meat output kaya maapektuhan ang global market dahil sa mga ipinapatupad na ban sa mga bansang apektado nito.