Oobligahin na rin ang public officials at employees na masilip na rin ang kanilang mga ‘bank deposits’.
Sa House Bill 1220 na inihain ng mga kongresista sa Makabayan ay inaamyendahan ng panukala ang Section 8 o Statements and Disclosure ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Kapag naisabatas ang panukala ay oobligahin na ang mga opisyal ng pamahalaan at mga empleyado na magbigay ng ‘written permission’ na nagpapahintulot sa Office of the Ombudsman na silipin ang kanilang mga pera sa bangko.
Kasabay ito ng pagsusumite rin sa Ombudsman ng kanilang Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN.
Nakasaad sa panukala na ang pagpapasilip sa kanilang mga bank deposits ay dagdag na ‘exception’ sa Republic Act 1405 o Bank Secrecy Law.
Layunin ng panukala na mapaigting ang transparency at anti-corruption mechanism ng pamahalaan gayundin ang pagtugon ng mga taga-gobyerno sa ‘highest ethical standards’.
Tinukoy kasi sa panukala na sa kabila ng mga hakbang tungo sa malinis na pamahalaan ay may ilan pa ring mga opisyal ang nakakahanap ng paraan na maitago at hindi ideklara ang kanilang mga kita o pera.