MGA REBELDENG SANGKOT SA PANANAMBANG SA MGA SUNDALO, TINUTUGIS

Tinutugis ng mga miyembro ng 24th Infantry Battalion ang mga miyembro ng Communist Terrorist Group na tumambang sa mga sundalo sa Barangay Gacab, Malibcong, Abra nitong Huwebes, Oktubre 27, 2022.

Kinilala ang mga nasawi na sina PFC Ariz Bautista, 26-taong gulang, tubong Magsingal, Ilocos Sur at PFC Jimmy Viernes, 25-taong gulang, tubong Cagayan, kapwa tauhan ng 24IB.

Dinala na ang kanilang mga katawan sa Bangued habang ginagamot ang isa sa mga nasugatan.

Matatandaan na dalawang sundalo ang nasawi, isa ang sugatan habang nawawala ang isa pa sa nangyaring pananambang ng mga rebelde.

Ang mga sundalo ay patungo sana sa Baay-Licuan upang tumulong sa Disaster Response Operations matapos ang magnitude 6.4 na lindol na tumama sa lalawigan.

Huminto sila sa tabing kalsada para umigib ng tubig ngunit sinalubong sila ng humigit-kumulang 10 miyembro ng KLG North Abra na umambus sa kanila.

Kinondena ng militar, pulisya at Cordillera RDRRMC ang karahasan ng mga rebelde.

Facebook Comments