Nanawagan si Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa mga malalaking supermarkets at retailers sa bansa na mag-hire ng temporary at part-time basis na mga empleyado mula sa ibang mga industriya.
Kasabay nito ay ang paghimok ni Pimentel sa top retailers ng bansa na tularan ang ginawa ng isa sa pinakamalaking retail corporation sa Estados Unidos na nag-hire ng nasa 200,000 temporary at part-time workers sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag ni Pimentel, ang mga retailers lamang ang ilan sa mga negosyo na bukas at kumikita ngayon dahil naririto ang essential o pinakamahahalagang pangangailangan ng mga tao tulad ng pagkain.
Mainam aniya kung magha-hire na rin ng dagdag na tauhan ang mga retailers at supermarkets sa bansa upang makatulong din sa mga kababayang nawalan ng hanapbuhay dahil sa coronavirus.
Maaari mag-hire ng dagdag na cashiers, stockers, baggers gayundin ang extra personnel sa warehousing, distribution at delivery upang makamit ang mataas na demand ngayong pandemic.
Kasabay nito ang panghihimok din ng Kongresista sa mga pribadong sektor na tulungan din ang gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa gitna ng krisis na nararanasan.