Cauayan City, Isabela- Nakiisa ang 5th Infantry ‘Star’ Division Philippine Army sa ginagawang paglaban ng pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa lumalalang banta ng African Swine Fever (ASF) sa probinsya.
Sa ibinahaging impormasyon ni Major Jekyll Julian Dulawan, Acting Chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5ID, bumuo ng isang Team ang nasabing yunit na pinangalanang ‘Blow Torch Team’ upang tumulong sa pagsasagawa ng disinfection sa mga lugar na apektado ng ASF sa Lalawigan at mag-aasiste sa culling o pagbaon sa mga infected na baboy.
As of September 26, 2020, tinatayang nasa 6,271 na baboy na ang ibinaon sa lupa habang nasa 1,953 naman ang boluntaryong isinuko ng mga may-ari sa mga nagsasagawa ng culling.
Ayon naman kay BGen Laurence E Mina PA, pinuno ng 5ID, patuloy aniya ang suporta ng kasundaluhan sa paglaban upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng ASF sa Lalawigan at maprotektahan ang bawat mamamayan.
Dagdag pa ni BGen Mina, nakahanda lamang ang kanyang pamunuan para sa karagdagang pwersa ng mga kinauukulan sa Lambak ng Cagayan at sa iba pang panig ng Cordillera Administrative Region (CAR) para sa paglaban kontra ASF.