Mga tauhan ng DENR, may pakiusap sa mga magtutungo sa Dolomite Beach

Nakikiusap ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga magtutungo ng Manila Bay Dolomite Beach na maging responsable sana sa pagtatapon ng basura.

Nabatid kasi na bukod sa mga basurang tinangay sa dagat, sangkaterbang basura rin ang naiwan ng mga indibidwal na dumagsa kahapon matapos muling buksan ang Dolomite Beach.

Karamihan sa mga nahakot ng mga estero rangers ng DENR ay mga plastic bottle na ang iba ay ibinaon pa sa artificial na buhangin.


Giit ng mga estero rangers, may mga basurahan naman na nakalagay sa paligid ng Dolomite Beach kaya’t panawagan nila na itapon sana ng maayos ang mga bitbit na plastic bottle o ibang basura.

Matatandaan na ipinagbabawal ang pagdala ng pagkain pero pinapayagan ang pagdadala ng tubig.

Sa abiso ng DENR, bukas na para sa lahat ang Dolomite Beach at hindi na kinakailangan pa na mag-register via online at magdala ng mga vaccination cards pero hinihimok ang lahat na bibisita dito na sundin ang mga pinapairal na health protocols kontra COVID-19.

Facebook Comments