Nakipagpulong ang Land Transportation Office (LTO) Region 1 sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) sa Balungao para talakayin ang paggamit ng electric vehicles (EV) bilang bahagi ng pagpapatupad ng Electric Vehicle Industry Development Act o EVIDA.
Layon ng konsultasyon na ipaliwanag sa mga tsuper at operator ang mga pangunahing probisyon ng batas, kabilang ang inaasahang paglipat sa mas malinis na uri ng transportasyon, pag-develop ng charging infrastructure, at posibleng epekto nito sa kanilang hanapbuhay.
Tinalakay rin ang mga benepisyo ng paggamit ng EV tulad ng mas mababang gastos sa operasyon, pagbawas sa polusyon, at pagmodernisa ng lokal na transport system.
Nagbigay din ng pagkakataon sa mga dumalo na ilahad ang kanilang mga katanungan at saloobin kaugnay ng nakaambang pagbabago.
Nagpapatuloy naman ang LTO Region 1 sa pagsasagawa ng mga konsultasyon upang matiyak na ang implementasyon ng EVIDA ay may sapat na kaalaman, suporta, at partisipasyon mula sa mga pangunahing sektor, partikular na ang mga tsuper at operator ng tricycle sa rehiyon.









