Mas nagiging mahigpit ngayon ang mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) para bantayan ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan katulad ng bus at jeepney na pilit pa ring sumuway sa quarantine protocols.
Ito ay kasunod ng anunsyo ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na asahan na ang kanilang mas mahigpit na pagbabantay sa mga border kontrols partikular na sa National Capital Region (NCR) Plus kahit ibinaba na sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila.
Batay sa inilabas na memorandum ni PNP Directorate for Operations Chief Police Maj. Gen. Alfred Corpus, iniutos nito sa National Capital Region Police Office (NCRPO), Central Luzon at Calabarzon Regional Police na maglabas ng temporary operators permit, official violator’s receipt at traffic citation tickets sa mga mahuhuling lumalabag.
Kabilang sa mga paglabag na tututukan ng PNP ay ang overloading, hindi pagsunod sa physical distancing, hindi pagsusuot ng face mask at face shield, maging ang limitadong kapasidad sa mga pampublikong sasakyan batay na rin sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Sinabi ni Eleazar, kailangan nilang gawin ang mga ganitong paghihigpit dahil dapat na malimitahan lang sa mga nagtatrabahong Authorized Person Outside Residence (APOR) ang mga papayagang bumiyahe sa nabanggit na mga lugar.
Babala pa ni Eleazar, sinumang tsuper na susuway sa mga ipinatutupad na panuntunan ay makatatanggap ng ticket mula sa PNP kalakip ang karampatang parusang ipapataw sa kanila.