MIAA at airline companies, nagtutulungan na sa recovery flights matapos magkaaberya kahapon ang UPS equipment ng CAAP

Puspusan ngayon ang pagtutulungan ng Manila International Airport Authority (MIAA) at ng airline companies matapos na daang libong mga pasahero ang ma-stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals simula kahapon.

Kasunod ito ng nangyaring aberya sa uninterruptible power supply (UPS) equipment ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Sa panayam ng RMN Manila kay CAAP Spokesman Eric Apolonio, pinabulaanan nito na walang back-up ang kanilang UPS equipment.


Ayon kay Apolonio, agad nilang ginamit ang back up UPS equipment ng CAAP pero nasira rin aniya ito nang magkaroon ng power surge kahapon.

Bunga nito, naapektuhan aniya ang malalaking antenna ng Air Traffic Management Center ng CAAP kaya hindi makalipad at makalapag ang mga eroplano.

Nilinaw rin ni Apolonio na may back-up generator sets din ang kanilang UPS equipment sakaling magkaroon ng power failure sa NAIA Complex.

Sa ngayon, patuloy ang pagdagsa ng mga pasaherong nagpapa-rebook ng kanilang flights.

Nagtutulungan na rin ang MIAA at airline companies sa pagbibigay ng mga pagkain at iba pang pangangailangan sa mga pasaherong naapektuhan ng kanseladong flights.

Facebook Comments