Militar, Pinasinungalingan ang mga Alegasyon ng Fact Finding Mission Team sa San Mariano, Isabela!

*Cauayan City, Isabela-* Iisa lamang ang nakikitang layunin ngayon ng mga nagsagawa ng Fact Finding Mission sa ilang mga barangay sa bayan ng San Mariano, Isabela.

Magugunita na noong Agosto 8 hanggang Agosto 10, 2019 ay nagsagawa ng imbestigasyon ang Fact Finding Mission Team kaugnay sa mga reklamo na pang-aabuso ng mga militar partikular ang 95th Infantry Battalion na naka base sa nasabing bayan.

Ang Fact Finding Mission Team ay kinabibilangan ng Karapatan Cagayan Valley, Danggayan-CV, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Karapatan, Amihan, RDC Kaduami, Bayan Muna sa pakikipagtulungan nina Gabriela Representative Arlene Brosas, LGU San Mariano at kawani mula sa opisina ni Congressman Christopher Go.


Sa personal na panayam ng 98.5 iFM Cauayan kina Sgt. Benjie Maribbay, Sgt. Jake Lopez, Sgt Liway Asuncion, Sgt Jun Enriquez ng Civil Military Operations (CMO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army, nais lamang ng mga nasabing grupo na paalisin sa lugar ang mga kasundaluhan para walang hahadlang sa kanilang mga plano o panlilinlang sa mga mamamayan.

Pinabulaanan ni Sgt. Lopez ang labing anim (16) na naitalang mga paglabag ng militar sa karapatang pantao ng mga residente ng San Mariano.

Nakakapagtaka aniya na sa loob lamang ng ilang araw matapos ang Fact Finding Mission ng mga nabanggit na grupo ay marami na silang naitala na umano’y mga pang-aabuso ng militar sa lugar.

Kaugnay nito ay una nang sinabi ng mga opisyal sa bayan ng San Mariano sa pangungunan ni Mayor Edgar Go na walang katotohanan ang mga paratang laban sa mga militar.

Ayon pa kay Sgt Lopez, kapani-paniwala sana ang kanilang mga alegasyon kung pumayag ang mga ito na magkaroon ng Joint Fact Finding Mission upang maging patas ang resulta.

Gayunman ay tiniyak pa rin ng pamunuan ng 5th ID na mabigyan ng kaukulang parusa ang sinumang sundalo na gagawa ng pang-aabuso sa mga mamamayan.

Facebook Comments