MMDA: Motorcycle rider na sumisilong sa ilalim ng overpass at istasyon ng MRT station, nabawasan na

Nabawasan ang bilang ng mga motorcycle rider na humihinto at sumisilong sa ilalim ng mga overpass o Metro Rail Transit (MRT) stations sa tuwing umuulan.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Atty. Victor Nuñez, Director for Traffic Enforcement Group ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mula nang ipatupad nila ang patakaran nitong Martes, nakahuli na lamang sila ng pitong motorcycle rider.

Mukhang nauunawaan naman aniya na ng mga motorcycle rider kung bakit kailangang magpatupad ng ganitong patakaran.


Punto ni Nuñez, para rin naman ito sa kaligtasan ng lahat ng motorista sa lansangan, dahil na rin sa very poor visibility kapag umuulan.

Mahigpit aniya ang bilin nila sa mga traffic enforcer na magpatupad ng maximum tolerance.

Sinabi ni Nuñez, marami silang konsiderasyon bago mag-isyu ng violation tickets.

Pangunahin na aniya rito ay ang iwasang pumatol sa mga parinig, pagmumura o panggagalaiti ng motorcycle rider kahit lumabag ang mga ito.

Importante aniyang magbigay ng sapat na panahon sa mga rider para makapagsuot ng kapote saka pakiusapan nang maayos na agad ding lumisan sa lugar.

Kapag nagmatigas pa rin aniya at talagang tumambay pa nang matagal. saka lamang mag-iisyu ng traffic violation ticket.

Facebook Comments