
Muling nagsagawa ng clearing operation ang MMDA Special Operations Group sa ilang bahagi ng Maynila.
Ito ay bilang tugon sa mga reklamo ng mga motorista kaugnay ng mga obstruction at iligal na pagpaparada sa mga pangunahing kalsada.
Partikular na ikinasa ang operasyon mula Anda Circle hanggang Road 10, isang lugar na ilang beses nang binabalik-balikan ng MMDA dahil sa paulit-ulit na paglabag.
Kabilang sa mga nasampolan ang mga trailer truck na nakaparada sa ibabaw ng Delpan Bridge, gayundin ang iba pang sasakyang nakaharang sa daloy ng trapiko.
Karamihan sa mga trailer truck ay tiniketan, gayundin ang ilang may-ari ng tricycle, motorsiklo, at iba pang sasakyan.
Hinila rin ng MMDA ang ilang sira at abandonadong motorsiklo at tricycle, habang kinumpiska naman ang mga sagabal sa bangketa at daanan ng mga pedestrian tulad ng tolda, upuan, at mga signage.










