Mobile Swabbing, Pinag-aaralang Gawin sa Cauayan City; Bilang ng COVID cases, Pumalo sa higit 400

Cauayan City, Isabela- Pinagpaplanuhan ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City ang pagkakaroon ng mobile swabbing dahil sa muling pagdami ng mga tinamaan ng sakit na COVID-19 sa lungsod.

Ito ang inihayag ni City Information Officer Atty. Reina Santos kung saan ay upang hindi na mahirapan pa ang mga residente na magtungo sa mga swabbing center para magpasuri.

Aniya, hakbang rin ito ng pamahalaan na malaman ang bilang ng mga naapektuhan ng sakit sa kabila ng ang ilang ay asymptomatic o walang sintomas na nararamdaman.


Pero, prayoridad umano ang mga barangay na may mataas na naitalang kaso ng COVID-19 lalo na ang nasa poblacion area.

Samantala, handa naman ang lokal na pamahalaan na tumanggap ng mga dagdag na pwersa ng medical staff gaya ng mga nurse para sa inaasahang pagsasagawa ng swab testing.

Una nang hiniling ng LGU sa Department of Health (DOH) region 2 ang pagsasagawa ng mass testing ngunit wala pang tugon ang ahensya ukol dito.

Sa pinakahuling datos ng Provincial Health Office, umakyat na sa kabuuang 405 ang aktibong kaso sa lungsod.

Sa ngayon ay umiiral ang Hybrid GCQ Bubble Setup sa lungsod na magtatagal hanggang sa katapusan ng buwan ng Setyembre.

Facebook Comments