Muling binuhay sa Kamara ang panukalang batas para sa ‘reorganization’ at ‘modernization’ ng Bureau of Immigration (BI).
Sa House Bill 1069 na inihain ni 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan ngayong 19th Congress ay inaasahang magiging ‘investor at tourist-friendly’ ang tanggapan.
Kapag naging batas ang “New Philippine Immigration Law” ay magkakaroon umano ng transformation o pagbabago sa BI kasama ang kompensasyon at benepisyo ng mga empleyado ng kagawaran.
Palalakasin din ang capital investments, trade and commerce, cultural exchanges at iba pang uri ng relasyon at kooperasyon sa ibang mga bansa na inaasahang magreresulta sa maraming dayuhang mamumuhunan, paglakas ng mga negosyo at pagdami ng trabaho.
Giit ni Libanan, napaka-halaga ng papel ng BI at importanteng makasabay ito sa kasalukuyang panahon para sa interes ng national security at pag-unlad ng ekonomiya.
Tinukoy ng kongresista na ang BI ay kumikilos pa rin alinsunod sa Commonwealth Act. No. 613 o mas kilala bilang Philippine Immigration Act 1940, na lubhang “outdated na dahil 80 taon na ang batas gayong malaki na ang mga pagbabago sa international migration.