MPD, kinumpirmang miyembro ng malaking grupo ang mga nasakoteng karnaper sa Malate, Maynila

Kinumpirma ngayon ni Manila Police District (MPD) Chief Police Brigadier Gen. Leo Francisco, na miyembro ng isang malaking grupo ng mga karnaper ang kanilang nasakote sa Malate, Maynila.

Ayon kay Gen. Francisco, isa ang kumpirmadong nasawi makaraang magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng grupo ng mga suspek at mga pulis habang tatlo ang naaresto.

Nakilala ang nasawing suspek na si Ali Asgar Baraguer habang ang mga nadakip ay sina Tojamir Baraguer, Aivan Gulam at Somaira Dimalao, misis ng napatay na suspek.


Nasakote ang mga suspek sa isang hotel sa Malate kung saan ang isa sa kanila ay nagtago pa sa kisame.

Bukod dito, narekober din ng MPD katuwang ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang sasakyang tinangay ng mga suspek sa may bahagi ng Pasay City.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga otoridad para matukoy ang mga kasabwat nito at inaalam na rin kung mayroon pa silang nabiktima.

Napag-alaman na ang mga suspek ay nagmula pa sa Cotabato City pero pansamantalang nakatira sa Baseco Compound.

Facebook Comments