Naka-alerto na ang Manila Police District (MPD) sa pagsisimula ng pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) sa Lunes, June 1, 2020.
Kaugnay nito, maglalatag sila ng mga strategic checkpoints kung saan papayagan lamang makalagpas ang mga may kaukulang dokumento tulad ng mga frontliners, mga manggagawa at Authorized Person Outside Residence (APOR).
Ang mga bus ay hindi papayagan bumiyahe kung walang permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) base na rin sa inilatag na panuntunan ng Department of Transportation (DOTr) habang ang mga jeep naman ay hindi pa maaaring pumasada.
Layunin ng hakbang ng MPD na makontrol o hindi na lumaganap pa ang COVID-19 sa lungsod ng Maynila.
Hangad din ng MPD na masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa unang araw ng pagpapatupad ng GCQ sa buong Metro Manila.
Nakikiusap naman sila sa publiko na makiisa sa mga hakbang na kanilang inilalatag at habaan pa ang pasensya sa anumang abala na maidudulot ng mga isasagawang checkpoint.