Nadakip at Hindi Sumuko ang Tatlong NPA Ayon Kay Cita Managuelod ng DAGAMI

Cauayan City, Isabela – Nadakip ang tatlong NPA at hindi sila sumuko. Ito ang paniwala ni Ginang Cita Managuelod ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Cagayan Valley o DAGAMI kaugnay sa tatlong kasapi ng New People’s Army na nasa pangangalaga ngayon ng 5th Infantry Division, Philippine Army.

Ito ang kanyang pahayag sa exklusibong sabayang panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya at kay Army Major Noriel Tayaban ng DPAO ng 5th Infantry Division, Philippine Army ngayong araw ng Pebrero 22, 2020 sa programang Straight to the Point ng 98.5 iFM Cauayan.

Magugunita na noong Pebrero 16, 2020 sa Rang-ayan, Ilagan ay sumuko ang tatlong NPA na sina Ka Leslie na tubong Hilagang Isabela, Ka Alvin ng Aklan at 16 anyos na si Ka Jimboy na isang katutubong Dumagat sa puwersa ng 95th IB bago maganap ang labanan ng militar at NPA na siyang ikinasawi ng tatlong iba pang rebelde.


Namatay naman ang tatlong NPA na sina Ka Bobby ng San Mariano, Isabela na isang NPA squad leader; Ka Princess ng Alicia, Isabela na medical officer ng grupo at isang nakilalang Joseph Manuel ng Barangay Nanaguan, Ilagan, Isabela.

Sinabi ni Ginang Managuelod na imposible daw na mangyari ang pagsuko ng tatlo samantalang nangyari ang engkuwentro sa parehong lugar. Inakusahan ni Ginang Managuelod na kaya umano ipinalalabas na sumuko ang tatlo ay para makakuha ng pera ang militar sa programing E-CLIP ng pamahalaan.

Kasabay ng naturang pag-akusa ay ang pagkuwestion kung bakit nasa poder pa rin ng militar ang mga ito samantalang lampas na ng 72 oras buhat noong Pebrero 16 nang mangyari ang engkuwentro. Sinabi pa ni Ginang Managuelod na ang tatlo ay mga “political prisoners”.

Agad naming sinagot ito ng Major Tayaban at kanyang sinabi na ang pangyayari ay sumuko ang tatlo bago pa man mangyari ang engkuwentro at kusa ang mga dating rebelde sa kanilang pananatili sa poder ng militar dahil natatakot sila sa posibleng puwedeng gawin ng mga NPA sa kanila at ng kanilang pamilya.

Nilinaw din ni Major Tayaban na tseke ang kanilang ipinapamigay sa mga rebeldeng sumuko na siyang deretsong nakapangalan ito sa kanila.at walang nahahawakang pera ang militar.

Pinagtalunan din sa nangyaring sabayang interview ang edad ni Jimboy na ito ay 16 anyos lamang at kailangan munang may ebidensiya sa kanyang edad ayon pa kay Ginang Managuelod.

Sa panig naman ng militar ay sinabi ni Major Tayaban na makapagbibigay sila ng patunay na si Jimboy ay menor de edad at may mga nauna na ring rebeldeng nasagip ng militar na mga menor de edad na nirekruta ng mge rebeldeng New People’s Army.

Facebook Comments