NAGDEKLARA | LP sa Kamara, idineklara na sila ang lehitimong minorya sa mababang kapulungan

Manila, Philippines – Nagdeklara na bilang lehitimong Minorya sa Kamara ang Liberal Party sa Mababang Kapulungan.

Ayon kay Quezon City Rep. Kit Belmonte, napili nilang tumayong Minority Leader si Marikina Rep. Miro Quimbo.

Otomatikong binitawan na ni Quimbo ang kanyang posisyon bilang Deputy Speaker ng Kamara para tumayong lider ng Minorya.


Iginiit ni Quimbo na sila ang lehitimong minorya sa Kamara alinsunod na rin sa rules at jurisprudence ng Korte Suprema.

Aniya ang mga nag-abstain sa botohan noong Lunes para sa pagka-Speaker ni Pampanga Rep. Gloria Arroyo ang siyang bubuo sa Minority Group kabilang dito ang mga myembro ng Magnificent 7.

Tinabla ni Quimbo ang paggiit ng grupo ni Quezon Rep. Danilo Suarez na sila pa rin ang Minorya.

Aniya, hindi pwedeng Minorya pa rin si Suarez dahil ito ay bumoto pabor kay CGMA at nakapirma din ito sa manifesto ng suporta sa bagong Speaker.

Magsusumite ng liham ang kampo ni Quimbo kay Speaker Arroyo para ipaalam ang inorganisa nilang Minority Bloc at ang bagong Minority Leader.

Samantala, maliban sa LP, igigiit din ng kampo ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez at MAKABAYAN Bloc ang pagiging Minorya sa Kamara.

Facebook Comments