Cauayan City, Isabela – Kinumpirma ni Army Captain Noriel Tayaban, OIC DPAO ng 5 th Infantry Division na may isang nasawi na candidate soldiers kahapon na mula sa dalawang daan limamput apat sa kabuuang bilang ng mga nagsasanay ngayong taon.
Aniya, kinilala ang kadete na si Julius Hernando, dalawamput isang taong gulang at residente ng Rang-ayan, Mallig, Isabela kung saan ay hindi umano nakayanan ang sobrang init ng panahon.
Sinabi pa ni Captain Tayaban na lahat umano ng kanilang kandidato na maging sundalo ay pumasa sa medical at physical examinations ngunit may pagkakaiba parin sa bawat stamina o kakayanan ng katawan ng isang tao.
Ayon pa kay Captain Tayaban, walang nakita na senyales na hindi maganda ang kondisyon ni Hernando bago ang umpisa ng kanilang pagsasanay noong ika pito ng buwang kasalukuyan.
Paliwanag pa ng opisyal na bago umano naganap ang pagkasawi ni Hernando ay nakaramdam umano ng pagkahilo kung kayat itinakbo sa military hospital ng 5th. ID, at dahil sa hindi na maganda ang ebalwasyon sa kondisyon nito ay dinala na sa isang pagamutan sa City of Ilagan ngunit binawiaan din ng buhay.
Samantala magbibigay ng walumpung libong piso ang 5th Infantry Division para sa burial assistance ni Julius Hernando.