Numancia, Aklan— Huli sa checkpoint ang limang lalaki matapos tangkang ipuslit ang mga kahoy na narra sa bayan ng Numancia kaninang madaling araw. Nakilala ang mga suspek na sina Jesky Fernando 38 anyos residente ng Brgy. Tul-ang Ibajay, Portebal Gregorio Sr. 31 anyos ng Bulabog, Malay, Reynaldo Antaran 60 anyos, Joey Tiagan 56 anyos at Benjie Cos na parehong mga residente ng Brgy. Regador Ibajay. Nahuli ang mga suspek sa isinagawang Checkpoint ng Numancia PNP station sa pangunguna ni PMAJ. Fidel Guintallan sa Brgy. Laguinbanua East Numancia dakong alas 2:30 ng madaling araw kahapon, Enero 23, 2022. Lulan ng isang puting Toyota Hi-ace Van ang mga suspek kung saan sa pagdaan ng mga ito ay nakita ng mga otoridad ang mga kargang pinutol na kahoy. Dahil nabigong makapagpakita ng kaukulang dukomento sa mga kargang narra, agad na inaresto ang mga suspek at kinumpiska ang mga kahoy. Sa isinagawang inventory ng Numancia PNP at DENR Aklan napag alaman na aabot sa 415. 49 board feet ng kahoy ang kanilang nakumpiska. Ayon sa mga otoridad galing sa Brgy. Rigador Ibajay ang nasabing mga kahoy at dadalhin sana sa Brgy. Bulwang Numancia. Ngayong araw nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Presidential decree 705 o Forestry Reform Code ang mga suspek sa Office of the Provincial Prosecutor.
Facebook Comments