Cauayan City, Isabela- Mas tutukan ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya na mabigyan ng bakuna laban sa COVID-19 ang mga health worker sa probinsya.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Carlos Padilla, napag-usapan sa kanilang ginawang pagpupulong kasama ang Provincial COVID-19 Task Group (PCOVIDTG at Provincial Health Board (PHB) na kung sakaling available at makabili na ng COVID-19 vaccine ang pamahalaang panlalawigan ay uunahin muna nilang bigyan ang mga nasa health sector.
Ito’y sa kadahilanang sila ani Gov. Padilla ang laging exposed sa mga COVID-19 patients kaya tama lamang aniya na ang mga medical at health workers ang prayoridad at uunahing bibigyan ng bakuna.
Samantala, inaprubahan na rin ng Provincial Health Board ng Nueva Vizcaya ang ipinanukalang resolusyon para sa Special Risk Allowance at Active Hazard Pay ng mga Health workers.
Inaayos na lamang ito para maipamahagi na sa lalong madaling panahon ang karagdagang allowance ng mga frontliners.