Ipinahayag ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) na bubuksan ang International Space Station para sa mga turistang gustong bumisita rito.
Ayon sa ahensya, simula sa susunod na taon, 2020, maaaring magbakasyon sa space station nang isang buwan ang kahit sinong makapagbabayad ng kulang-kulang $60 million.
Inanunsyo rin ng ahensya na bukas ang space station para sa mga pribadong kumpanya na gusto itong gamitin sa negosyo gaya ng TV advertisement at produktong gusto nilang ipa-indorso sa mga NASA astronaut.
Kinakailangan naman munang dumaan sa medical test at pagsasanay ang mga interesado rito.
Bahagi ito sa hakbang ng ahensya na mabawi ang $100 bilyong halaga ng space station upang mas mabigyang-pansin na ang mga mabibigat na proyekto gaya pagpapadala ng astronaut sa buwan.
Mapupunta ang perang kikitain sa SpaceX o Boeing, na parehong developer ng mga space vehicles.
Noong 2001, isang US business man na ang nakapag-round trip sa kalawakan sa halagang $20 million.