*Cauayan City, Isabela- *Kinumpirma ni Regional Director ng Office of the Civil Defense-CAR Ruben Carandang na wala nang inaasahang buhay sa natititrang labing siyam na natabunan ng lupa sa gumuhong minahan sa Ucab, Itogon, Benguet.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay OCD-CAR Director Carandang, nagsagawa na sila ng inspeksyon kahapon mula sa main portal ng tunnel sa minahan at idineklara na ang search and retrieval operations dahil wala ng inaasahang survivors mula sa gumuhong minahan.
Aniya, unang tinawag na search, rescue and retrieval operations ang paghahanap sa mga nawawala pang biktima subalit idineklara na nila ito kahapon bilang Search and Retrieval Operation matapos ang sampung araw mula noong humagupit ang bagyong Ompong.
Kanya ring inihayag na mula umano sa alegasyon ng kanilang alkalde ay marami umano ang mining tunnels sa bayan ng Itogon, Benguet kung saan marami umano sa mga residente nito ang hindi sumunod sa pre-emptive evacuation ng mga otoridad bago pa manalasa ang bagyong Ompong.
Sa ngayon ay umaabot na sa animnapung labi ng mga biktima ang nahukay mula sa minahan habang labing siyam pa ang hinahanap ngayon ng mga rescuers at target nilang matapos ang paghahanap hanggang sa ika-lima ng Oktubre.
Samantala, hindi parin umano madaanan ngayon ang ilang Pambansang lansangan sa lalawigan ng Benguet, Abra at Apayao dahil sa landslide subalit kasalukuyan na umano itong inaayos ngayon ng DPWH.