Friday, April 10, 2026

NAWAWALANG BATA, LIGTAS NA NAIBALIK SA PAMILYA SA MABILIS NA AKSYON NG DAGUPAN CITY POLICE

Agad na narespondehan ng mga tauhan ng City Mobile Force Company (CMFC) ng Dagupan City ang isang insidente ng nawawalang bata matapos nilang matagpuan ang isang musmos na nag-iisang naglalakad habang sila ay nagsasagawa ng rutinang pagpapatrolya sa kanilang nasasakupan.

Ayon sa ulat, napansin ng mga pulis ang bata na tila naliligaw kaya agad nila itong nilapitan upang alamin ang kalagayan nito. Sa kanilang pangangalaga, tiniyak ng mga tauhan ng CMFC na ligtas ang bata sa pamamagitan ng pagpapakain at pag-aalaga habang nasa kanilang kustodiya.

Kaagad ding nakipag-ugnayan ang mga pulis sa barangay na binanggit ng bata. Sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon, natunton ang kinaroroonan ng ama ng bata at agad itong naabisuhan na ang kanyang anak ay nasa Dagupan.

Dinala ang bata sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at beripikasyon. Makalipas ang ilang sandali, dumating ang ama at matagumpay na naibalik sa kanya ang kanyang anak.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga magulang na paigtingin ang pagbabantay sa kanilang mga anak upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments