Mariing pinabulaanan ni National Capital Region Police Office o NCRPO Acting Regional Director P/ Brig. Gen. Jonnel Estomo na ilegal ang pagkaaresto ng mga tauhan ng QCPD kay Kilusang Mayo Uno (KMU) organizer Benjamin “Banjo” Cordero sa kanyang tahanan sa lungsod ng Quezon.
Ayon kay Estomo, ang pag-aresto kay Cordero ay base sa warrant of arrest na inilabas ng San Mateo Regional Trial Court Branch 77 sa lalawigan ng Rizal sa kasong homicide na may piyansang halagang ₱72,000
Ipinagtanggol ni Estomo ang mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) na ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin na naaayon sa batas na ipatupad ang kautusan ng Korte.
Paliwanag ni Estomo, wala silang anumang intesyon na mang harass o manakot tulad ng alegasyon ng grupo.
Iginiit pa ni Gen. Estomo na alam mismo ng publiko na ang kanilang tungkulin ay ipinatupad ang naaayon sa batas tulad ng pag-aresto sa may mga warrant of arrest.
Sa kabilang banda hinikayat pa ng opisyal ang mga nagrereklamo ng alleged illegal arrest na magsampa laban sa mga arresting officers at ginagarantiya niya magkakaroon ng patas na imbestigasyon.
Dagdag pa ng heneral na kapag mapatunayan na may pagkakamali ang mga pulis hindi nila ito kukunsintihin.
Kapag mapatunayan tinitiyak ni Estomo na mahaharap ang mga pulis sa kasong kriminal at administratibo.