Negosyante, Arestado sa Pagbebenta ng Overpriced na Medical Supplies sa City of Ilagan!

Cauayan City, Isabela- Arestado sa isinagawang entrapment operation ng Criminal Investigation Detection Group – Isabela katuwang ang DTI Isabela ang isang negosyante dahil sa pagbebenta nito ng mga medical supplies na sobra-sobra sa dating presyo o SRP.

Kinilala ang suspek na si Michael Bravo, 24 taong gulang at residente ng Brgy. Marabulig 1, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr Winston Tan Singun, Provincial Director ng DTI Isabela, namonitor aniya nila sa social media ang mga post ng suspek na nagbebenta ito ng mga medical supplies gaya ng Alcohol, at Face mask at ibinebenta sa kanyang pwesto sa isang malaking mall sa City of Ilagan.


Nang mabatid ng DTI na overpriced ang kanyang ibinibenta online ay agad na isinagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakahuli ng suspek.

Nakumpiska sa suspek ang dalawang (2) piraso ng marked money, tatlong (3) piraso ng Php1,000.00 na boodle money, pitong (7) piraso ng Php.100.00, dalawampung (20) piraso ng hand sanitizer, 31 piraso ng Ethyl Alcohol (Casino) 500ml, at 38 piraso ng disposable N95 Protective Mask.

Nabatid na ibinebenta ng suspek ang kada isang piraso ng Ethy Alcohol 500ml sa presyong Php300.00 mula sa SRP na Php.61.00 hanggang Php74.25 habang ang isang piraso naman ng disposable N95 mask ay ibinebenta sa presyong Php165.00 mula sa Php45.00.

Tinatayang nasa Php 14,850.00. ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang items mula sa suspek.

Pansamantalang nasa kustodiya ngayon ng CIDG Isabela ang suspek.

Facebook Comments