Negosyante, Tinambangan ng Tatlong Holdaper!

44

Echague, Isabela- Natangay ang kita ng isang negosyante matapos holdapin ng tatlong suspek pasado alas siyete ng gabi noong Pebrero 11, 2018 sa Brgy. Ipil, Echague, Isabela.

Kinilala ang biktimang negosyante na si Sany Verasil, 46 anyos at residente ng Brgy. Libertad, Echague samantalang nakilala naman ang isa sa mga tatlong suspek na si Rodolfo Baquirin alyas Jay-Ar at residente ng Alicia, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng Echague PNP, Pauwi na sana si Verasil matapos magtinda ng karne sa kanilang tindahan nang biglang tutukan ng baril ng isang suspek na nakaabang sa labas at nagdeklara ng hold-up.

Hindi na umano pumalag ang biktima at kusang ibinigay ang kanyang napagbentahan na nagkakahalaga ng limampung Libong piso (50,000.00).

Nagawa pa umanong umawat ng kanyang kasamang Saleslady na si Mary Anne Cabacungan subalit pinaputukan ito sa kanyang bahaging likuran na kasalukuyang nagpapagaling sa Isabela South Specialist Hospital.

Agad umanong umalis ang tatlong suspek patungong Santiago City sakay ang itim na motorsiklong Honda TMX 155 matapos makuha ang pera ni Verasil.
Patuloy naman sa imbestigasyon ang Echague PNP sa nangyaring insidente at inihahanda na ang kasong Robbery with Frustrated Homicide laban sa mga matutugis na suspek.

Facebook Comments