Cauayan City, Isabela – Natukoy na ng mga otoridad ang motibo at suspek sa pagpatay sa dating Brgy. Kagawad na si Eugenio Turingan na residente ng Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Police Senior Inspector Felix Mendoza, hepe ng PNP Diadi, Nueva Vizcaya sa naging panayam ng RMN Cauayan.
Aniya, batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon ay dalawang suspek ang natukoy at posible umanong “love triangle” ang motibo sa pagpatay kay Turingan.
Ayon pa kay PSI Mendoza, hindi pa nila maaring mabanggit ang pangalan ng dalawang suspek dahil patuloy pa ang kanilang pagkalap na karagdagang impormasyon hinggil sa naturang pangyayari.
Samantala, hustisya naman ang hiling ng pamilya ng napatay na dating Brgy. Kagawad.
Matatandaan na noong Enero 20, 2019 ay natagpuang patay at puno ng taga sa katawan ni Turingan sa Lower Magat Eco Tourism Park (LMET) sa Diadi, Nueva Vizcaya at isang duguang palakol ang narekober mula sa pinangyarihan na posible umanong ginamit ng mga suspek sa pagpatay sa biktima.