*Cauayan City, Isabela- *Naghahanda na ngayon ang mga buying stations ng National Food Authority (NFA) sa rehiyon dos para sa pagbili ng palay kasabay sa utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na dapat bilhin lahat ng NFA ang mga aning palay ng mga magsasaka ngayong nalalapit na harvest season kahit na bahagyang malugi ang gobyerno rito.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Narciso Edillo, Regional Director ng Department of Agriculture (DA), nag-umpisa nang maglabas ang NFA ng mga natitirang imported rice mula sa kani-kanilang bodega upang mabigyan ng espasyo ang mga mabibiling palay ngayong nalalapit na anihan.
Kanyang nilinaw na huling batch na ng mga imported rice ang mga inilalabas at ibinebenta ng NFA.
Kaugnay nito ay nakikipagtulungan na ang tanggapan ng DA sa pakikipag-ugnayan sa kanilang mga counterpart na bilhin ang mga palay ng mga magsasaka hanggat kaya ng kanilang mga bodega.
Mungkahi naman ni Ginoong Edillo na kung maaari ay mahiram at magamit muna pansamantala ang mga Gymnasium ng bawat bayan upang magkaroon ng sapat na panlalagyan ang mga mabibiling palay ng NFA.