No. 1 Councilor sa Dagupan City may panawagan

Dagupan City – Naging matamis na tagumpay ang pagkapanalo ni Councilor-elect Librada Fe “Dada” R. Macalanda ng manguna sa katatapos na eleksyon nitong lunes. Hindi umano inaasahan nito na siya ang magiging number 1 councilor ng Dagupan City lalo na’t mas marami pang mas matunog na pangalan kesa sa kanya.

Sa kabila nito taos pusong nagpasalamat si Councilor-elect Dada sa lahat ng nagtiwala at sumuporta sa kanyang pagbabalik. Matatandaang anim na taon din siyang namahinga sa pulitika upang pagtuunan ang pamilya at munting negosyo ngunit sadyang ang puso nito ay nasa serbisyo publiko.

Sa esklusibong panayam nito sa I for an I ng 104.7 iFM Dagupan may pinaabot itong mensahe sa lahat ng lalo na sa mga taong nagkaroon ng hinanakit dahil narin sa siraang nangyari sa nagdaang eleksyon. “Magpatawad na po tayo” ito ang panawagan ni Dada sa lahat ng Dagupeño na naapektuhan ng matinding pamumulitika. Hiling pa ng konsehala na maghari ang pagmamahalan, pagtutulungan at malasakit para sa mamamayan at ikakaunlad ng siyudad ng Dagupan. Aniya pa isusulong nito ang mga proyekto na nagbibigay oportunidad at proteksyon para sa mga solo parents ng lungsod at suportado nito ang ideya na pagpapatuloy ng mga magagandang proyekto ng nakaraang administrasyon para sa mga mamamayan ng Dagupan.


Sa pinal na bilangan nakakuha ito ng botong aabot sa 65, 711 at ang ilan pang pasok sa panalong konsehal ng Dagupan ay sina Celia Lim, Michael Fernandez, Dennis Canto, Marvin Fabia, Karlos Reyna, Cisco Flores, Joey Tamayo, Chito Samson, at Tess Coquia.

Sa ngayon abala ang konsehala sa pagbabakalas ng mga campaign poster nito sa buong lungosd ng Dagupan bilang tugon narin sa panawagang paglilinis ng mga campaign materials na ginamit ng mga pulitiko.
.

Facebook Comments