‘No downpayment, no admission’ policy, pinabulaanan ng FEU-NRMF Hospital

LEFT: Official statement from FEU-NRMF Facebook page. RIGHT: Photo from FB/Jan Christian Bulatao

Mariing itinanggi ng pamunuan ng Far Eastern University-Nicanor Reyes Medical Foundation (FEU-NRMF) Hospital ang alegasyong tinanggihan nila ang isang nag-aagaw buhay na pasyente noong Biyernes.

Ayon kay Dr. Nolan Pecho, chief medical officer ng FEU-NRMF, istriktong polisya raw ng pagamutan na magbigay ng agarang lunas sa mga emergency case at hindi manghingi ng downpayment sa admission.

Pahayag ng nagrereklamong si Jan Christian Bulatao, isinugod nila sa ospital ang bagong panganak na misis na si Katherine dahil kailangan tanggalin ang placentang naiwan sa uterus nito.


Ngunit sa halip daw na suriin, hiningan sila ng paunang bayad na P30,000 para sa operasyon.

Nakiusap daw si Jan Christian na uuwi muna sa bahay upang kumuha ng pera pero hindi raw siya pinagbigyan.

Kalaunan ay binawian ng buhay ang pasyente dulot ng pagkaubos ng dugo.

Paglilinaw naman ni Pecho, nagdesisyon daw ang pamilya na ilipat ng ospital si Katherine matapos malaman ang posibleng halaga ng babayaran sa pagpapagamot.

“When a patient seeks medical treatment from FEU-NRMF Medical Center, it is customary to provide cost estimates upon the request of prospective patients. Naturally, some procedures may cost more than public hospitals which are subsidized by the government.”

“And yet, it is the strict policy of the hospital never to reject or to deny urgent medical attention to the patient whose condition is life threatening,” paliwanag pa niya.

Desidido naman si Jan Christian na sampahan ng reklamo ang anim na pagamutan na tumanggi sa kabiyak.

Iniimbestigahan na ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang insidente.

Facebook Comments