City of Ilagan, Isabela – Mahigpit na ipinapatupad ngayon ang no smoking at vaping sa mga pampublikong lugar sa lungsod ng Ilagan, Isabela.
Ayon kay Police Inspector Lorna Baggayan, Chief ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng PNP Ilagan na nag-umpisa na umano ang information drive hinggil sa no smoking at vaping noong buwan ng Nobyembre kaya’t ngayong buwan ng Disyembre ay manghuhuli na ang PNP, LGU, NGO’s, Traffic Enforcers at ilang itinalaga na manghuhuli sa mga violators.
Aniya, ang sinumang mahuli na lalabag sa no smoking policy ay may multa na isang libong piso para sa unang paglabag, dalawang libong piso sa pangalawang paglabag at tatlong libong piso sa pangatlong paglabag.
Paliwanag pa ni Police Inspector Baggayan na maari lamang umano na manigarilyo sa loob o likod-bahay.
Bawal din umano sa loob ng traysikel, dyip o sa mga pampublikong mga sasakyan.
Panawagan pa ni WCPD Chief Baggayan ng PNP Ilagan na maari lamang umano na sikretong kuhanan ng larawan at ipadala sa PNP Ilagan at maari din umano na itawag na lamang sa himpilan ng pulisya ang makikitang naninigarilyo sa publiko sa lungsod ng Ilagan.