NPA, MULING NAKASAGUPA NG MILITAR SA CAGAYAN; ARMAS, NAREKOBER

Cauayan City, Isabela- Muling nagkasagupa ang tropa ng pamahalaan at ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bahagi ng Sitio Salong, Barangay Tanglagan, Gattaran, Cagayan nitong umaga ng Martes, Disyembre 7, 2021.

Sa ibinahaging impormasyon ng 5th Infantry Division, Philippine Army, habang nagsasagawa ng Focused Military Operations ang tropa ng 77th Infantry Battalion sa lugar upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente, bigla na lamang umano silang pinaputukan ng nasa limang (5) rebelde na mga miyembro ng Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.

Nagresulta ito sa palitan ng putok na tumagal ng mahigit limang minuto at agad din umatras at tumakas ang mga nakasagupang rebelde patungong timog-silangang direksyon.


Walang naitalang sugatan sa panig ng militar habang bineberipika pa sa panig ng teroristang grupo.

Matapos ang engkwentro, nakarekober ang kasundaluhan ng isang (1) carbine at dalawang (2) springfield rifle (7.62mm) na pagmamay-ari ng mga nakasagupang CNTs.

Ayon kay Lt Col. Joeboy Kindipan, ang Battalion Commander ng 77th Infantry Battalion, palagi aniyang nakahanda ang hanay ng kasundaluhan sa pagtugon sa mga natatanggap na impormasyon mula sa mga mamamayan sa presensya ng mga rebelde sa kanilang lugar.

Nagbabala naman si BGen. Steve Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade na hindi titigil ang kasundaluhan sa pagsugpo sa insurhensiya.

Muli namang nanawagan si MGen. Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division sa mga natitira pang NPA na huwag nang sayangin ang oportunidad na ibinibigay ng pamahalaan upang sila ay makapagbagong buhay.

Facebook Comments