Testamento nang malakas na intelligence at coordination ng mga security forces ng pamahalaan ang pagkakahuli sa financier ng ISIS na si Myrna Mabanza kahapon.
Ayon kay National Security Council (NSC) Secretary Eduardo Año, pinapupurihan nya ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Anti-Money Laundering Council at Presidential Anti-Organized Crime Commission sa pag-aresto kay Mabanza.
Aniya, maituturing itong isang malaking tagumpay sa national at international security efforts ng pamahalaan.
Paliwanag ni Año, dahil sa matagumpay na operasyon, naipakita ang dedikasyon ng law enforcement agencies ng bansa at ang commitment ng mga ito sa pagsugpo ng terorismo.
Pagpapakita rin aniya ito ng pagiging epektibo ng intelligence ng mga ahensya ng pamahalaan at maigting na coordination ng mga ito.
Nabatid na si Mabanza ay mayroong kinakaharap na 5 counts ng kasong paglabag sa RA 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 at RA 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.