Cauayan City, Isabela- Tuloy pa rin ang pagpapatupad ng Public Order and Safety Division (POSD) sa number coding scheme sa mga sasakyan sa Lungsod ng Cauayan sa kabila ng utos ni Isabela Governor Rodito Albano III na pansamantalang suspendihin ito.
Ayon kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, naghihintay pa rin ang kanilang tanggapan ng opisyal na kopya mula sa Provincial Government bago tanggalin ang ipinapatupad na number coding sa siyudad.
Dagdag pa niya, bagama’t suspendido o lifted ang nasabing kautusan subalit iiral pa rin ang restriction sa pagpapatupad nito dahil may ilang bayan aniya na hiwalay na nagpapatupad nito.
Sinabi pa ng opisyal, hangga’t wala pa silang natatanggap na kahit anong kautusan mula sa alkalde ay mananatili pa rin ang nasimulan ng pagpapatupad ng nasabing batas.
Mananatili pa rin ang pagbiyahe ng odd number na nagtatapos sa 1,3,5,7 at 9 tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes habang Martes, Huwebes at Sabado para even number na nagtatapos sa 2,4,6,8 at 0 at pagsapit ng Linggo ay maaari ng magbiyahe ang lahat ng uri ng sasakyan dahil sa walang ipapatupad ng coding.
Samantala, ipinakiusap naman ng opisyal sa mga barangay sa lungsod na mangyaring magsagawa ng dobleng paghihigpit sa pagpapatupad ng curfew hour sa kabila ng maraming bilang ng mga nahuhuli sa lumalabag dito.