Patay sa pananambang ang isang nurse na lulan ng ambulansya ng Rescue 165 sa probinsiya ng Roxas, Palawan nitong Sabado.
Pabalik na sana ang ambulansiya sa bayan ng Dumaran matapos itong maghatid ng isang pasyente nang bigla silang pagbabarilin ng mga hindi pa matukoy na suspek, pasado alas-3 ng hapon.
Napuruhan sa dibdib ang nasawing si Algerome Bernardo, 51 taong gulang.
Sugatan naman ang drayber ng ambulansya na kinilalang si Alex de la Peña. Bagama’t hindi nasaktan, isinugod din sa pagamutan ang iba pang sakay na sina Christopher Tamulin at Armando Carbajosa.
“Dumaran Rescue 165 ito mga around 3 p.m. [nangyari] ang sakay ng ambulance yong driver, a nurse at dalawang responder. Galing sila ng Puerto [Princesa City,] papunta na sila sa Dumaran pabalik ng duty. Sa Barangay Dumarao siya sa Roxas nangyari,” tugon ni Richristopher Magbanua, program director ng Rescue 165 na nasa ilalim ng Palawan Provincial Government.
Mariin naman kinondena ng Sangguniang Panlungsod ang karumal-dumal na krimen.
Sa resolusyong inihain ni Councilor Elgin Damasco, kinilala ng konseho ang kabayanihang ipinamalas ni Bernardo na residente ng Puerto Princesa City at dating tauhan ng Kilos Agad Action Center (KAAC) bago lumipat sa Palawan Rescue 165.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng malagim na insidente.