Nakikitang pang-matagalang solusyon ng Office of Civil Defense (OCD) ang pagkakaroon ng permanenteng evacuation centers.
Ito raw ay sagot sa mga sitwasyong tumatagal sa evacuation centers ang mga biktma ng kalamidad o sakuna katulad ng pag-a-alburuto ng Bulkang Mayon.
Sa ngayon kasi ay ginagamit ang ilang paaralan sa Albay bilang evacuation centers, kaya apektado rin ang mga estudyante.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni OCD Deputy Spokesperson Diego Mariano, mahalagang mailayo sa danger zones ng bulkan ang mga residente.
Kaya mahalaga aniya na mabigyan sila ng bagong lugar na malilipatan, hangga’t maaari ay permanente nang evacuation centers.
Kaugnay nito, apela naman ni Mariano sa mga apektadong residente na makipagtulungan sa mga awtoridad.
Aniya, kapag nagbigay na ng abiso na dapat na silang lumikas kailangan ay agad sumunod.
Siniguro naman ni Mariano, na nagpapatuloy ang gobyerno sa pagbibigay ng tulong resources lalo na para sa mga residenteng nasa evacuation centers.