OFW na pauwi na sana sa pamilya, kritikal matapos maaksidente

Nasa kritikal ngayong kondisyon ang isang overseas Filipino worker (OFW) na pauwi na sana sa kanyang pamilya matapos maaksidente ang sinasakyang van sa La Union.

Sa report ng The Manila Bulletin, sakay ng van na minamaneho ni Romel Galvez ang balikbayan na si Maricris Padilla at ang nagsundo rito na si Kevin Sabado, isang municipal employee.

Nasa kahabaan daw noong Hulyo 18, bandang 12:30 am ng Pugo Rosario Road, Brgy. Maoasoas Norte, Pugo, La Union ang sasakyan nang makasalubong nito ang isang motorsiklo na wala umanong headlight.


Iniliko raw ni Galvez ang van para maiwasan ang anumang banggaan ngunit tumama ito sa isang kongkretong bakod sa mismong kalsada.

Dead on-the-spot si Sabado ayon kay Dr. Josanne Lilac Wadwadan-De Castro ng Pugo Rural Health Unit habang naidala naman sa Rosario District Hospital sa La Union si Galvez.

Sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) naman isinugod si Padilla na malubha ang kalagayan dahil sa mga tinamong sugat.

Samantala, isang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) personnel ang bumisita sa naturang OFW kung saan naiulat na nananatili itong kritikal.

Nakapanayam din daw nito ang kinakasama ni Padilla na si Stephen Fermato kung saan napag-alamang nagtext daw ang kanyang nobya para sabihing mabilis ang takbo ng sinasakyan nilang van.

Pauwi na sana si Padilla para makasama ang pamilya sa gitna ng pandemic matapos ang ma-stuck ng matagal sa ibang bansa dahil sa ilang beses na kaselasyon ng biyahe.

Facebook Comments