OFW sa HK, nahulihan ng mga pekeng bag, sapatos; pinatawan ng suspended sentence

Branded / luxury items photo sample. Courtesy of BBC and Reuters

Guilty sa “possession of counterfeit goods” at “breach of condition of stay” ang 41-anyos Pinay helper na si Digna Calagui.

Nasabat ng Hong Kong Customs kay Calagui ang malaking halaga ng mga peke o imitation ng mga luxury bag, wallet, wrist watch, branded sports shoes, cosmetics gaya ng lipsticks, at iba pa, Setyembre nakaraang taon.

Nito lamang Biyernes, Hunyo 26, umamin sa korte ang OFW sa isinampang “breach of condition of stay” o paglabag sa “work only” permit bilang domestic helper sa nasabing bansa.


Umamin ding itong guilty sa paglabag sa Cap. 362 Trade Descriptions Ordinance ng Hong Kong na nagbabawal sa mga pekeng produkto.

Pinatawan ng isang taon suspended sentence na pitong linggong pagkakakulong si Calagui.

Binalaan ang akusado na ipatutupad ang parusa kung muling masangkot sa kaso sa loob ng isang taon.

Masuwerte naman ang Pinay na hinayaan ng kaniyang employer na ipagpatuloy ang trabaho, habang nasa Immigration naman ang desisyon kung i-eextend pa ang working visa ni Calagui.

Sa ulat ng The SUN, sinabi ni Calagui na ikinatuwa niya ang desisyon dahil kailangan niyang kumita para sa pagpapagamot ng asawa, na umuwi sa Pinas para ipagpatuloy ang pagpapagaling matapos sumailalim sa kidney transplant.

Facebook Comments