
Gagamit ang Office of the Ombudsman ng AI o artificial intelligence upang masusing masuri ang mga dokumento at ebidensyang isinumite ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng maanomalyang flood control projects sa bansa.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na kabilang sa mga isinumite ng ICI ay 200 megaboxes ng data, mga hard drive, at mga buod ng isinagawang imbestigasyon.
Gayunman, nilinaw ni Remulla na gagamitin lamang ang AI bilang gabay sa paghimay ng mga datos at hindi ito ang magtatakda ng magiging resulta ng imbestigasyon.
Binigyang-diin din ni Remulla na ang ulat ng ICI ay mahalagang primary source ng datos na maaaring magsilbing reference sa mga susunod pang imbestigasyon at pag-aaral ng mga law students, law professors, at law schools sa bansa.
Tinatayang nasa 70 hanggang 80 porsyento na ang nakukumpletong ebidensya na magsisilbing batayan kung anong mga kaso ang maaaring isampa laban sa ilang personalidad.










