Online registration at “later time” na pagkuha ng biometrics sa mga new voters, hiniling sa Kamara

Inirekomenda ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa Commission on Elections (Comelec) na payagan ang online registration para sa mga bagong botante.

Ito ay matapos aminin ni Comelec Deputy Executive Director for Operations Teopisto Elnas sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na malabo at hindi pinapayagan ang online registration sa ilalim ng Republic Act 8189 o Voter’s Registration Act of 1996.

Paliwanag ni Elnas, may legal hindrance sa online registration para sa mga new voters dahil kailangan talagang pumunta ng personal sa Comelec office o satellite registration office dahil sa pagkuha rin ng biometrics.


Sakaling ipipilit ang online registration ay mangangailangan ng modification o amendment sa batas.

Pero sa suhestyon ni Rodriguez, maaari namang payagan ang online registration at sa “later time” na lamang ang pagkuha ng biometrics o isang buwan bago ang nakatakdang halalan.

Giit ng kongresista, mahalaga aniya na maparehistro ang maraming Pilipino na bagong botante ngayon at mapanatiling ligtas habang hindi pa nababakunahan ang mga botante sa bansa.

Nauna na ring sinabi ng Comelec na mayroon ang komisyon ngayon na iRehistro na matatagpuan sa kanilang website at mobile application na hindi na mangangailangan ng internet para doon mag-fill up ng form at makakapagpa-schedule na rin ng kanilang pagpunta sa Comelec office o satellite registration.

Facebook Comments