Cauayan City, Isabela- Bagsak sa kulungan ang walong (8) katao matapos maaresto kagabi dahil sa online sabong partikular sa Ipil Street, Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.
Nakilala ang mga nahuli na sina Edgar Tejada, 23 taong gulang, binata, residente ng Brgy Dagupan, BeniTO Soliven, Isabela; Freddie Leonidas, 34 taong gulang, walang asawa, residente ng brgy Union, Cauayan City; Ezekiel Matus, 25 taong gulang, walang asawa; Rodel Camiguing, 28 taong gulang, binata at John Paul Dela Peña, 24 taong gulang, may asawa at parehong mga residente ng Bucag Street, Brgy. District 1, Cauayan City.
Kasama rin sa mga naadakip sina Cherry Alingog, 45 taong gulang, walang asawa, residente ng Ipil Street ng brgy District 1; Elizer Ramirez, 42 taong gulang, may asawa, residente ng FLDY St, Brgy District 1, Cauayan City at Alex Dela Peña, 32 taong gulang, walang asawa at residente rin ng brgy District 1.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang Cauayan City Police Station na mayroon umanong grupo ng mga indibidwal ang nag-uumpukan at nagsasagawa ng ‘online sabong’ partikular sa karinderya ni Cherry Alingog.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga kasapi ng pulisya at nang maberipika ay agad na dinakip ang mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang bet money na nagkakahalaga ng Php2,100.00, at hindi rin nakaligtas ang isang (1) unit ng Smart TV at internet router na ginamit sa onling cockfighting.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Mahaharap naman sa kasong paglabag sa RA 1602 (Online cockfighting) at paglabag sa RA 11332 ang mga nahuling suspek.