Operasyon ng Small Town Lottery sa Isabela, Paiimbestigahan ng isang Mambabatas

Cauayan City, Isabela- Pinaiimbestigahan ni Isabela 6th District Rep. Faustino ‘Inno’ Dy V ang umano’y iligal na operasyon ng mga Small Town Lottery (STL) operators sa lalawigan ng Isabela.

Sa kanyang privilege speech, hiniling ng kongresista na magkaroon ng congressional inquiry ukol sa umano’y iregularidad na pagpapatakbo ng STL sa probinsya.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Rep. Dy, kinakailangan na magkaroon ng pagtatama sa kung ano ang batas at regulasyon sa operasyon ng STL.


Partikular na tinukoy ng mambabatas ang operasyon ng STL sa lungsod ng Cauayan na ipinatigil ng lokal na pamahalaan dahil sa sinasabing bigo ang local operators na ‘Sahara Games and Amusement Philippines Corporation’ na makakuha ng kaukulang business permit at paglabag umano sa COVID-19 quarantine protocols.

Giit ng kongresista, tama lang ang ginawa ni City Mayor Bernard Dy na ipatigil ang nasabing operasyon ng STL sa lungsod dahil sa kawalan ng ipapakitang business permit na dati naman aniya ay kumukuha ng kaukulang permit para sa kanilang operasyon.

Una nang binigyang diin ng Sahara Corporation na dahil lang sa ‘payola’ ang ugat ng pagpapatigil ng nasabing operasyon subalit ayon sa mambabatas ginagawa lamang ng LGU ang kanilang trabaho.

Gusto rin malinawan kung bakit hindi kasama sa 2020 STL revised Implementing Rules and Regulation (IRR) ang share o parte ng LGU sa charity fund.

Dahil dito, naghain ang mga miyembro ng Isabela bloc para magkaroon ng inquiry in aid of legislation kaugnay sa 2020 STL IRR ng PCSO.

Facebook Comments