Naglabas ngayon ng cease and desist order ang National Telecommunications (NTC) laban sa ABS-CBN Broadcasting Corporation makaraang mapaso ang kanilang legislative franchise nitong Lunes, Mayo 4.
Batay sa kautusan, agad ipinahihinto ng NTC ang operasyon ng kanilang TV at radio stations sa buong bansa habang wala pang balidong prangkisa.
“Upon the expiration of RA 7966, ABS-CBN no longer has a valid and subsisting congressional franchise as required by Act No. 3846,” saad sa abiso.
Binigyan ng NTC ng 10 araw ang kompanya na sumagot at magpaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang broadcast frequency rights nila.
“After receipt of ABS-CBN’s response, the NTC shall schedule the case for hearing at the earliest time after the Enhanced Community Quarantine is lifted by the Government,” pagpapatuloy ng komisyon.
Magbibigay din ng closure order ang NTC sa mga istasyong nasasakupan.
Sa ngayon, 11 panukala ang nakabinbin sa Kongreso para sa pagpapalawig ng prangkisa ng giant network.
Una rito, binalaan ni Solicitor General Calida ang komisyon na puwede itong makasuhan ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act kapag binigyan ng provisional authority ang ABS-CBN.