Umapela ang Philippine National Police (PNP) sa mga kandidato na ilagay lang sa mga common poster area ang kanilang campaign posters.
Ito ay sa harap na rin nang pag-arangkada simula kahapon ng pangangampaya para sa mga tumatakbo sa national position.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Jean Fajardo, nagsimula nang mag-ikot ang mga pulis sa pakikipag-ugnayan sa local Commission on Elections (COMELEC) officers upang tingnan ang mga lugar kung saan napaulat na may iligal na nakapaskil na campaign posters.
Maituturing aniyang election offense ang pagpapaskil ng mga campaign material sa mga ipinagbabawal na lugar lalo na sa mga kawad ng kuryente dahil sa posibleng pagmulan pa ito ng sunog.
Hindi aniya sila mangingiming arestuhin ang sinumang mga mahuhuling lumalabag pero kung walang matyempuhan ay babaklasin ng mga Pulis ang mga nakapaskil na campaign poster bilang bahagi ng kanilang Oplan Baklas.