Oplan Tokhang Surrenderees, Nagtapos!

Santiago City, Isabela – Mahigit 700 drug surrenderers mula sa 37 barangay ang nakibahagi kahapon sa isinagawang pagtitipon na ginanap para sa mga sumailalim sa “Namalikmata Program” ng lungsod.

Dakong alas diyes ng umaga kahapon Dec. 29, 2017 sa City Hall ng Lungsod ng Santiago, pinangunahan ni City Mayor Joseph Tan ang isinagawang pagtitipon na kinapalooban ng pagtatapos ng mga Oplan Tokhang surrenderers sa kanilang Community-based program.

Bawat surrenderers ay nakatanggap ng certificate at limangdaang piso mula kay Mayor Tan.


Kasama rin sa mga dumalo sa programa ang mga kinatawan mula sa PDEA Region II, DILG, PNP Santiago, LGU at Health Office ng lungsod.

Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay PPO Johanna Mercy C. Gabriel, attending psychologist ng lungsod, layunin umano ng programa na mabigyan ng pagkakataong magbago, malayo sa pagkalulong sa droga, at matulungan ang pisikal at ispiritwal na kalusugan ng mga surrenderees.

Dagdag pa ni Gabriel, may nakalaan ding pangkabuhayan o skills training para sa mga makakapasa sa susunod na assessment ng “Namalikmata Program” na gagawin sa taong 2018.

Pinuri at pinasalamatan naman ni Mayor Tan ang mga nagpatuloy at nakiisa sa Namalikmata program at magsilbi umano itong tunay na pagbabago para na rin sa kanilang mga sarili, pamilya at sa komunidad.

Facebook Comments