*Tuguegarao City-* Nilinaw ni Regional Director Filipina Dino ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Region 02 ang hinaing ng mga OFW’s hinggil sa kanilang pagkuha ng calamity assistance.
Ayon kay Regional Director Dino, mas marami umano sa mga OFW’s ang nangunguha ng Calamity Assistance na hindi naman umano gaanong naapektuhan ng Bagyong Ompong.
Kanyang inihayag na hindi umano ito financial assistance na basta-basta lamang ibibigay sa lahat ng mga miyembro ng OWWA.
Nilinaw pa ni RD Dino na kailangan pa rin umano nilang I-renew ang kanilang OWWA Membership.
Aniya, kung nasa ibayong dagat ang mga OFW at hindi ni-renew ang kanilang OWWA membership ay magiging inactive na ang kanilang status.
Kaugnay nito ay kailangan pa rin umanong I-update ang kanilang OWWA membership upang mapanatiling active pa rin ang kanilang pagiging miyembro sa OWWA.
Nilinaw pa ni RD Dino na isang tao lang sa kada pamilya ng OFW ang maaaring kumuha ng calamity assistance mula sa mga bayan sa unang distrito ng Isabela na natamaan ng Ompong.
Dagdag pa ni Dino na wala umano silang ibinubulsang pera na dapat ibigay sa mga OWWA members kaugnay sa kanilang mga natatanggap na komento mula sa mga kamag-anak ng isang OFW na may mga active member umano ang nabigyan lamang ng 1,500.00 na laan para sa mga inactive members.
Sa kabuuan ay mayroon ng naibigay na OWWA Calamity Assistance na labing apat na milyong piso (14,000,000.00) na tulong para sa lahat ng mga nabiktima ng bagyong Ompong.